Kakabukas ko pa lang pangalawa kong bote ng dumating na si kumpare. Kaklase ko sya noong nasa college pa kami, katunayan, siya pa nga ang tumulong upang mapasagot ko si misis kaya kinuha ko syang ninong ng anak ko. Marami na kaming pinadaanan ni kumpare, siya lang ang tinatakbuhan ko kapag nag-aaway kami ni misis at dinadaan lamang namin iyon sa inuman. Pero mas mabigat ang dahilan kung bakit ko sya inimbitang uminom sa bahay.
Inabot ko kay pare ang kanyang unang bote at sabay alok ng paborito nyang pulutan, ang dinakdakan. “May problema ka ba at nagyaya kang uminom?“, tanong nya. “Nagpaparamdam si misis.” sagot ko. Biglang tawa nya ng malakas at halos mabulunan sya sa dinakdakan at sisig. “Seryoso pare, hindi pa rin matahimik.” sabi ko, habang umaasa na seseryosohin nya yung ikekwento ko. “Noong isang araw galing akong opisina, tulog na ang mga bata at ang kasambahay ng umuwi ako. Overtime yun pre’. Di ko alam kung dahil sa pagod o ano, pero nung kumuha ako ng makakain at maiinom sa ref, biglang bumagsak ang basong inihanda ko sa mesa.“, kwento ko. “Pusa lang yun“, sagot nya habang nakangiti na animo’y nang-iinis. Nagbukas pa ako ng isa pang bote, at uminom, para na rin ipakita na seryoso ako. “Kilala mo naman ako pare,” tuloy ko. “Hindi ako naniniwala sa multo, and I look for logical reasons why such things happen, walang pusa, aso, o daga. Ako lang! In fact, nakatingin ako sa baso ng bigla syang bumagsak sa mesa. Di na out-of-balance, maayos ang pagkakapatong sa mesa.“
Alam kong nagulat sya, hindi sa kwento ko kung hindi sa tono ko. Ilang beses ko nang naikwento sa kanya yung nga nararanasan ko sa bahay, at ngayon ramdam nya kung gaano ako kaseryoso. “Wala naman syang unfinished business, hindi naman sya murdered or biglang namatay. Nagkasakit sya at ang pagkakaalam ko eh tanggap nya na mamamatay na sya.” seryosong sagot nya. “Alam kong may gusto syang sabihin sa akin, tawag kaya ako ng espiritista?“, tanong ko. “Sige tulungan na lang kitang maghanap, inom na lang tayo at kalimutan mo na muna yang misis mo.“
Ang totoo eh matagal na akong nakamove-on sa pagkawala ng misis ko. Mahigit isang taon na syang wala pero wala naman akong balak magkarelasyon pa. Tinuloy namin ang inuman, nauwi ang kwento tungkol sa mga babae nya, pulitika, pati relihiyon na napag-usapan na namin nang biglang may parang humaplos sa batok kong napakalamig. Epekto lang ng alak to, sabi ko sa sarili, mukhang nakarami na ako.
Nagkasundo kaming ubusin na lang ang laman ng hawak na bote. Maya-maya ay hinatid ko na si pare sa pinto. Nang isasara ko na ay bigla itong napalakas, alam kong mahina lang ang pagkakasara ko nito dahil iniiwasan kong magising ang mga bata. Lasing na siguro ako.
Nagpasya ako na bukas na ligpitin ang pinag-inuman namin dahil baka makabasag lang ako. Isinara ko na ang pinto ng kwarto, nahiga sa kama at pumikit. Maya-maya ay may narinig akong katok sa pinto. Tumayo ako para buksan ngunit wala namang tao pero may naramdaman ako na parang malamig na hanging pumasok. Palingon ko sa aking kama ay nandoon sya. Nakatayo sa gilid ng aming kama ang aking asawa. Suot nya ang damit naming pangkasal, walang belo, walang bulaklak na hawak. Nararamdaman ko ang galit na dala nya sa panlilisik ng kanyang mga mata.

Natakot ako, alam kong hindi dapat dahil naging asawa ko naman sya. Naglakas loob akong tanungin sya kung bakit hindi pa rin sya matahimik. Hindi sya sumasagot, pero nakatingin pa rin sa akin. “Ano ka ba?! Bakit di ka pa matahimik, hayaan mo akong tulungan kita.” matapang ko syang tinanong muli.
Biglang lumakas ang hangin na para bang bukas ang bintana habang bumabagyo. “Punyeta ka, gusto mo akong manahimik, eh ginagabi ka na naman ng uwi, tapos kwento mo sa kumpare mo eh overtime, utot mo!!” nakakagulat nyang sigaw. “Tapos ngayon nag-iiinom ka sa bahay kung di pa ako nagparamdam di pa kayo titigil, ni hindi mo man lang niligpit pinag-inuman nyo, gusto mong basagin ko lahat yan?!” Di ako nakasagot. “At may balak ka pang samahan ang kumpare mo sa pambababae nya, di mo ba na isip na may anak kang naghihintay?, anong klase kang ama?!!!” “Gusto mo akong manahimik, tigilan mo yang mga pinag-gagagawa mo!” Bigla syang naglaho pagkatapos, nawala na rin ang ihip ng hangin.
Naging doble ang takot ko. Nagmumulto na, nagbububunganga pa, paano na lang kung sabayan pa ng byenan ko? Nalintikan na. Pinilit kong matulog. Nagising ako sa tawag ng kumpare ko. “Hoy bumangon ka na dyan, may na contact na akong espiritista, puntahan natin ngayon. Tapos diretso tayo sa bar, ipakilala kita kay Sunshine.” “Huwag na, OK na ko.” sagot ko.